Nakasakay ako sa Mini Bus Kahapon, mula sa tabi ng pintuan kung saan ako unang umupo, lumipat ako sa masmahahabang upuan sa kaliwa ko noong biglang magbabaaan ang ilang pasahero. Nang pagkalipat ko, may batang tumabi sa’kin. Gusgusin sya, mukhang mabaho, pero hindi amoy mabaho. Madusing ang kanyang kamison at ang kanyang salawal ay may iilang punit at nanlilimahid. Pagkaupo nya, may daglidagliang tumabi pa uli sa kanyang lalaki na sa tingin ko’y isa o dalawang taon ang tanda sa akin. Sa unang tingin akala ko’y magkasama ang dalawa, napagtanto ko lamang na hindi pala nang magtanong ang binata sa bata.
“May kasama ka ba?” anya.
Hinarap ko ang dalawa. Sa loob ko’y tila malaki ang interes na ipinakikita ng binata sa bata. May halong pagkagiliw ang tono ng kanyang boses; anupa’t ngumiti ito sa bata. “Saan ka naman pupunta?” tinanong muli nito nang tumanggap sya ng isang tingin bilang sagot sa tanong na nauna.
“Mariveles,” sagot ng bata, ang dulong bahagi ng tangway ng Bataan. Isang malaking distrito ng mga pabrika, planta at mga pyer. Ang bayan na kinalakihan ko. Doon din ako patungo galing sa maghapong pagupo sa review center sa Balanga, ang Kaptiloyo ng probinsya.
Sa agos ng usapan ng dalawa, sabay-sabay kaming sumakay sa Bus galing sa Balanga. At dahil nakita ng binata ang bata na nagiisa, hindi nya napigil ang kanyang sarili na magusisa kaya sinundan nya ito at ngayun nga’y nagtatanong kung saan ito patungo, anong ginagawa nito ng mag isa, at kung anu-ano pa. Naisip ko tuloy, siguro naglayas ang bata, natatandaan ko mga apat na taon na ang nakalilipas ng mag isa akong tumungo sa kolehiyong pinasukan ko upang magpalista sa kursong aking napasahan. Meron din noong isang bata na kasing laki at kasing dusing nya na inusisa ng kunduktor kung naglayas ba ito, ang bus noon ay tumatakbo mula Mariveles patungong Balanga, salungat sa direksyon ng bus na sinasakyan ko.
“Ilang taon ka na ba?” tanong ko bilang pagpapaalam sa aking pagsali sa unti unting sumasayang talakayan. Sampu, ang sabi ng bata, hindi ako naniwala. Tinanong ko sya kung anong baitang na sya, may mahinang bulong sa isip ko na maaring hindi na nakakapag aral o di man lang nakatuntong sa paaralan ang bata na napatunayan kong mali ng sabihin nitong papasok na sya sa ikaapat na grado sa Hunyo. Gusto ko pa ring makasiguro, sa tikas nyang lalampa lampa at sa laki nyang tunay namang nakakapuwing, hindi pa rin ako makapaniwla na sya ay sampung taon gulang na… hula ko ay walo o pito. Tinanong ko sya kung anong pinagaralan nila sa ikatlong baitang. Ngumiti lamang sya, siguro akala nya’y binibigyan ko sya ng isang pagsusulit. Tumawa ang binata sa tabi nya.
“May pamasahe ka ba?” tanong ng binata ng sabihin ko ang palagay ko na naglayas ito.
Pinakita nito ang laman ng kanyang bulsa, iilang piso at dalawang barya ng Limang piso. Kulang. Sa Minibus limampu’t pitong piso ang diretsong pamasahe, at kung bata, apatnapu. Sinabi kong kulang ang salapi nya. Kaya tinanong ko kung saan sya sa Mariveles. May sinabi syang lugar, pero di ko alam kung saan. Nabanggit nya na ang nanay nya ay labandera. Nagkatinginan kami ng binata at iginiit namin sa bata na aminin na kung naglayas ito. Humindi sya at biglang naglabas ng isang daang piso. Natawa ako nang bigla syang tumayo at umupo sa harapang bahagi ng bus… humagikgik ang binata. Sabi nya, “Eh, may kasama naman pala eh. Sabi nya kanina wala.”
Read more »