Kaming dalawa ng aking ama ay namumuhay kasama ng mga kalampag at yabag ng mga paa sa kisame, minsan may mga nauulinigan pa kaming mga hinihilang kasangkapan o mga nahuhulog na bagay tulad ng mga pangkaraniwang tunog ng gumugulong na holen hanggang sa mga nababasag na pinggan. Hindi naman haunted house ang bahay namin, mayroon lang kasing isang pamilyang nakatira sa itaas. Ibig sabihin… kami ay nanahan sa isang duplex.
Kailangan mo pang pumunta sa kabilang kalye upang masumpungan ang pamilyang nakatira sa ikalawang palapag ng aming tahanan kaya nga’t hindi ko nakikita ang mga tao sa itaas namin, magkaiba kasi ang pasukan ng aming mga bahay. Ang mga kalye sa aming lugar ay liku-liko at pataas at pababa, anupa’t kung ikaw ay lolobo ng tulad ng sa isang higante, hindi malayong mapagkamalan mo ang mga daanan sa aming Barangay na mga baitang ng isang hagdanan. Ang paglalarawan ng aming lugar gamit ang mga kataga lamang ay di sapat yamang lubhang masalimuot ang pagkakaplano nito (ipinangalan sa arkitektong nagdisenyo nito aming barangay) at tunay ngang nahihirapan ako sa pagpapliwanag, ang mahalaga naman ay mabatid mong may ibang nakatira sa itaas namin.
Tulad nga ng sinabi ko, nasanay na ang aming mga tenga sa mga ingay na likha ng aming mga kakapitkapatong bahay, subalit isang araw nagulat ako sa di pangkaraniwang tunog na nagmumula sa bubungan ng extension namin. Animo’y may mga butil ng buhangin na bumabagsak. Minasdan ko mula sa aming bintana kung may mga mahuhulog na lupa, subalit ako ay nadismaya. Ilang araw ang lumipas ang nasabing tunog ay nasabayan ng mga kaibang kaluskos na likha ng malilikot na nilalang. Hindi ko ito pinapansin, subalit dumating din ang araw na tunay ngang nasubok ang aking pang-uusisa at minarapat kong lumabas at pagmasdan ang mga pangyayari sa aming bubungan.
Doon ko nakita ang isang babae na nasa edad apa’tnapu at nakadungaw sa puting mga rehas ng kanilang bintana. Mayroon s’yang hawak-hawak na puting mga butil na kanya naman isinasaboy sa aming bubong. Hindi ko na kailangan pang mag-isip kung para saan ang mga ito dahil sa sandaling iyon nakita ko rin ang mga mumunting mayang lubhang tuwang-tuwa sa panginginain sa mga biyayang butil na bigas na pinakakawalan ng kanyang mga matatabang kamay. Kanilang ipinapagaspas ang kanilang mga pakpak habang patalun-talong sinusuyod ang bawat bahagi ng aming bubungan na s’yang ginugulungan ng mga bigas.











